Ni: Ma.Donnabelle S.Nisay RN, EMT-B – School Nurse
May ilang linggo na rin ang nakakalipas mula nang magsimula ang 100% balik mag-aaral 2022-2023. Ang lahat ng empleyado sa bawat eskwelahan ay naging abala sa paghahanda sa pagsalubong sa mga estudyante na may 2 taon ding hindi nakaranas ng Face to Face Class. Ang mga magulang na excited para sa kanilang mga anak, ang mga estudyante na may halo-halong emosyon sa pagharap sa bagong pagsubok dahil sa matagal na hindi nakasanayang pagpasok sa araw-araw. Maraming mga magulang ang nag-aalala sapagkat kailangang huminto sa trabaho ang kanilang mga anak na s’yang nakatutulong sa kanila sa pagtawid sa araw-araw na buhay dahil balik na sa normal ang pasok ng mga mag-aaral, mga estudyante na pumapasok kahit walang laman ang sikmura at walang baon, ang iba naman ay galing sa pang gabing trabaho upang may pantustos sa pag-aaral at may maiabot sa magulang. Napakaraming nagkakasakit, mapa-estudyante o guro man dahil ang mga katawan ay nagsisimula pa lamang muli na mag-adjust sa dating nakasanayan.
Bagamat may mga negatibong pangyayari ay may positibo din naming dulot ang pandemya. Sa 2 taong nakalipas muling nakita ang tamis ng ngiti at halaklak ng bawat estudyante at mga guro. Ang pagsusumikap ng mga estudyante na matuto at mga masisigasig na gurong buong puso sa pagtururo. Ang mga Physical Fitness na matagal na hindi naranasan ay naging kaigaigaya sa lahat kahit pa mga magkandarapa, masubsob o madumihan ang mga uniporme. Ang mga school clinic ay madalas mapuno ng mga estudyante at empleyado dahil nagsisipag-adjust pa lang ang kanilang mga katawan ngunit naroon pa rin ang kagustuhan nilang mag-aral nang mabuti. Ang mga masisipag na utility na walang pagod na kalilinis sa paligid upang mapangalagaan ang kalusugan ng mga mag-aaral. Ang mga guwardya na walang sawa sa pagsita sa mga mag-aaral na pumapasok sa eskwelahan na mag-check ng body temperature, maghugas ng kamay, mag-alcohol at ang mag fill up ng Health Declaration Form. Ang mga Principal at Assistant Principal na todo ang enerhiya para sa mga mag-aaral at school employees.
Ang pagbabalik eskwela ba ay balik kwela at masaya para sa mga kabataang pangarap na makapagtapos ng pag-aaral o problema sa mga kabataan na gustong makapagtapos ngunit kulang sa maraming bagay? Sa pagbabalik eskewela hindi lamang isang beses tayo mahaharap sa lahat ng pagsubok kundi malamang sa malamang ay hindi mabibilang sa ating mga daliri ang maaaring harapin ng mga mag-aaral, magulang at empleyado ng paaralan. May mga pagkakataon na matatalo at panghihinaan tayo ng loob pero tayo ay pilit pa ring babangon at mananalig sa AMA na makasabay sa daloy ng buhay. Bilang empleyado ng paaralan tayo ang aagapay sa mga mag-aaral bilang pangalawa nilang magulang upang matulungang maabot ang kanilang mga pangarap. At sa mga magulang na gaya ko tayo ang magsisilbing sandigan at pampalakas ng loob ng ating mga anak at ang numero uno na magtitiwala sa kanilang kakayahan na tuparin ang kanilang mga pangarap.