Call No. : (047) 633-6686 / Mail Address : balanga.city@deped.gov.ph

Mag-aral ay Hindi Biro

Gian Karla A. Bocalan

“Ang mag-aral ay hindi biro”. Ito ay katotohanang hindi maikakaila ninuman. Napakahirap makatapos ng pag-aaral, ang dami mong susuunging suliranin, problema sa pera, problema sa pagsagot ng mga leksyon, gawain dito, gawain doon, kabi-kabila ang mga dapat ipasa. Kaya sabi nga ng mga matatanda bago mo daw maabot ang iyong mga pangarap ay kailangan mo munang magsunog ng iyong mga kilay. Mahirap talaga ang mag-aral pero ito lang ang natatanging paraan upang makamit natin ang tagumpay. Kaya naman sa kabila ng mga hirap, patuloy na nagsusumikap ang mga mag-aaral upang sila ay makatapos  at  makamit ang kanilang mga pangarap.

Mahirap nga ang mag-aral, ngunit mas lalo itong nagiging mahirap kapag ang mag-aaral ay puno ng suliranin sa buhay. May mga batang walang pambaon, walang sapat na gamit sa eskwela, walang pamasahe, hindi nag-almusal at ang pinakamahirap walang magulang na gumagabay. Tunay na ang kakulangan sa material na bagay ay mahirap para sa kanila pero higit na mahirap kapag wala silang inaasahan at masasandalan.

At sa kabila parin ng hirap na pinagdadaanan nila, nakakatuwa na makita na may mga batang  patuloy na nagpapakita ng pagsusumikap na abutin ang kanilang mga pangarap. Ang matiyaga nilang pagsasagot sa kanilang mga gawain, ang pananatili ng kanilang lakas ng loob, ang pagsubok sa mga paraan na makatutulong sa kanila, ang hindi nila pagsuko at ang determinasyon na makatapos sila ng pag-aaral ay patunay na kahit mahirap ay kakayanin.

Sadyang ang mag-aral ay hindi biro, dadanasin ang lahat ng hirap, pagod at luha upang ito ay matapos at maabot ang isang pangarap . Ngunit huwag kang sususuko dahil pagkatapos ng mga hirap at pasakit ay masaya mong makakamit ang bunga ng iyong pagsusumikap. Basta’t lagi din isasaisip na ito ay kakayanin sa tulong ng mga kaibigan, guro, magulang at higit sa lahat ng Diyos na laging handang gumabay sa ating lahat.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Search