Call No. : (047) 633-6686 / Mail Address : balanga.city@deped.gov.ph

Pagpapahusay ng Kalinangan sa Pagtuturo ng Pagbabasa

Ni: Guia P.De Jesus, T-lll – Cupang IS

Ang pagbabasa ay masasabing isa sa pinakamalakas na pundasyon sa pagkakatuto. Ang isang taong marunong magbasa ay mayroong mas malaking pagkakataon para sa mas marami at mas malalim na pagkakatuto. Kaya nga ang pagbabasa ay kasama sa mga unang nais makamit sa pag-aaral.

Noong nagkaroon ng pandemya, ang pagbabasa ng mga mag-aaral ay naging isang malaking suliranin ng Departamento ng Edukasyon. Ang mga mag-aaral, palibhasa nanatili sa kani-kanilang tahanan noong panahong iyon ,hindi nabigyan ng sapat at tamang patnubay upang matutong magbasa. Sa pagbabalik-eskwela, ang pagbabasa ang kauna-unahang inaksyonan ng mga guro at ng mga lider..Kailangan mahabol ang pagtuturo ng kalinangan ng pagbabasa sa mga mag-aaral. Kung hindi, higit pang problema ang kakaharapin sapagkat ang pagbabasa ay kinakailangang matutunan upang makaagapay sa ibang mga aralin.

Ang mga guro ay nag doble-kayod sa pagtutok sa mga mag-aaral, maraming iba’t-ibang pamamaraan ang ginagawa ng mga guro sa lahat ng mga paaralan. Nagkaroon ng dagdag oras sa pagtutyutor sa mga bata lalo na yaong mga nasa mas mababang baitang. Ipinaranas at ipinakita sa kanila ang kahalagahan ng  pagbabasa at ang magiging benipisyo nito.Maraming mga libro at babasahin  ang inihanda na  tunay na kagigiliwan ng mga bata .Naghanda rin sila ng iba’t-ibang mga gawain kung saan ay mas mapapadali ang pagkakatuto ng mga bata sa pagbabasa. Kasama rito ang mga palaro at paglalagay ng mga pangalan sa mga kagamitan, mga masasayang awitin na nagpapakita ng mga tunog ng letra, pagsasanay sa mga bata sa pamamagitan ng pagbasa ng mga kwento sa kanila, at iba pa na kung saan pati ang mga magulang ay hinimok upang maging sa bahay ay mahasa ang mga bata sa pagbabasa.

Ang mga guro naman ay maaaring dumalo sa mga pantas-aral na nagpapalalim ng kaalaman sa mga pamamaraan sa epektibong pagpapabasa. Ang mga natututunan sa mga pantas-aral kalakip ng pagkakatuto kasama ng mga ibang guro ay malaking bagay upang makaalam pa ng mga pinakaepektibong pamamaraan sa pagpapabasa.

Sa huli, ang mga pantas-aral ng mga guro at ang patuloy na pagsasanay sa mga mag-aaral sa pagbabasa ay siyang mga pinakamahalagang pamamaraan upang ang pagbabasa ay tunay na maituro nang buong husay sa mga mag-aaral. 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Search